Saturday, August 11, 2012

My New Teacher: Class, Get One-fourth!

Huminga muna ako nang malalalim. Aminado naman ako na kinakabahan ako, napakaaga ko nang dumating dito sa school. Alas-siyete daw ako pumunta, 6:30 ng umaga pa lang nakaupo na ko sa bench malapit sa Dean’s Office. 

Kabado at hawak ko ang papel na ipakikita ko kay Dean. Nagusot na tuloy ang polo ko kakaupo-lakad ko. 
Ganito talaga ko pag kabado.
Maya-maya pa may dumating na ‘di naman gaanong katandaan na babae. Nag-good morning ako sa kanya at ngumiti. Ngumiti din siya sa akin sabay sabi, “Oh, so you are here? What can I do for you?

Sumagot ako at magalang na nagsabing, “I was instructed by the registrar to validate the subjects I have today, Maam”. Tumango siya at ngumiti at niyaya akong pumasok sa office niya.
“You’ll have, I guess, Psychiatry as first period. It should be room 204 of the Nursing building, second floor.” Tumango ako at nagpasalamat. Nang magpapaalam na akong umalis, may tinanong pa ulit si Dean,
“Wait, how old are you again?”
“Just turned twenty one po.”
“Oh, no wonder you look like a teenager to me. Just wait for me, in few minutes I’m going to introduce you to the class.”
“Ok po ,ma’am, I’ll be outside.”

Ilang minuto pa ako naghintay kay Dean, kinakabahan talaga ko, ano kayang magiging reaksyon ng mga aabutan ko dun. Maya-maya, lumabas si Dean at nakiusap na mauna na daw ako at may kailangan daw pala siyang hintayin na tawag sa office, hintayin ko daw siya sa room at susunod siya agad para ipakilala ako sa klase. Tumango ako at nagpaalam. Nadagdagan pa yata lalo yung kaba.
Naglakad ako na kinakabahan pa din at gulo ang isip, unang salta ko kasi sa University na to. Paakyat ako ng hagdan nang may makabunggo sa akin na students, nasaktan man, inuna kong tingnan kung ok lang sila. Dalawang babae yun, nagulat ako ng sa halip na humingi ng paumanhin dahil sa pagkabunggo sa akin, sila pa ang nagalit.
Sabi, “Hala, design lang ba mata mo? Nakita mo na patakbo kami, ‘di ka pa umiwas…?”.

Di na ko nakasagot pa dahil dali-dali silang bumaba, hahabol yata sila sa pila ng NFA na bigas. (May scarcity pa ba tayo ng bigas sa panahon ngayon?)
Binalewala ko na lang yung nagyari at dumiretso sa room 204. Nakita ko naman agad; salamat sa mga nakadikit sa pinto na numbers. Bukas ang room at maingay ang klase, tipikal na classroom. Bago tumapat sa pinto, pinilit kong tingnan ang sarili ko, black na polo at maong pants, black na body bag at low-cut white rubber shoes, idagdag ang medyo mahabang buhok.
Napagalitan pa nga ako kanina umaga ni Mommy, mukha daw akong kasapi ng rock band at hindi sa school papasok. Karamihan naman ng nasa room ganun ang suot, nagbabago lang sa kulay. Pasukan pa lang kasi, ‘di pa required mag-uniform. Tumapat ako sa pinto, ewan ko kung anong magic mayroon kapag may bagong mukha sa classroom, bigla na lang silang tatahimik at parang via bluetooth sasabihin nila sa lahat ng katabi nila na tingnan yung bagong dating.

Ganun nga nangyari, nakatingin sila lahat sa akin habang nakatahimik. Nag-goodmorning ako. Yun yata pagkakamali ko, dahil pagkasabi ko nun, parang yun ang password para ituloy nila yung kanya-kanyang pinag-uusapan. Wala nang pumansin sa akin. Ngumiti na lang ako at pumasok na. Umupo ako sa harapan na upuan sa bandang gitna, nakatahimik ako habang wala sa loob na napakinggan ko yung mga pinag-uusapan ng tao sa paligid ko.

Sa kanan ko,
Pare, hindi nga alam ni Erpats na dito na ko nag-aaral, akala niya dun pa din sa dati, ‘di ko sinasabing lumipat ako, magagalit yun. Tsaka mas malaki tuition dun, sayang yung sobra, pang-gimik din yun… pinapadaya ko na lang yung resibo tsaka certification ng grades ko.”
“Ako nga din, pare, ‘di alam sa bahay na bumagsak ako, ang alam nila last year ko na to, sabi pa ni daddy kagabi, siguro naman daw after 6 years matatapos ko na kurso ko.”
“Mga pare, wala kayo sa akin, sabi ni daddy, ‘wag ko daw madaliin, ano ba naman daw na tapusin ko yung course ko ng 8 years… hehehe….”

Napabuntung-hininga ko sa narinig ko, sa kaliwa naman, eh grupo yata ng kababaihan,
Nag-away na naman kami kagabi, tawag ako nang tawag, hindi sumasagot, tapos malalaman ko umiinom pala sila ng barkada niya. Sabi ko nga kaninang umaga, nung dumaan sa amin eh, sumaksak na lang siya sa lalamunan ng mga kabarkada nya… Kabadtrip ang animal!”
“Hay naku! Mabait pa yang jowa mo, si Lawrence eh nawrong send sa akin kagabi, sabi eh, ‘see you again soon’, at may ubod tamis na smiley pa sa dulo.. Abay, abot pa deny na hindi daw babae katext, nakakita na ba kayo ng lalaki na nagtext ng see you again soon sa lalaki din? At my smiley pa! Pacute ang gago…”
“Kayo kasi eh, sabi ko sa inyo, ‘wag n’yo muna sagutin, isang buwan lang kayong niligawan eh, bumigay na kayo?
“Naku, nagsalita, pang-ilan mo na ba si Archie?”
“Pang-27. Eh ano naman! Ganoon talaga pang madaming standards, mahirap humanap ng sakto sa taste….”

Huminga ulit ako nang malalim. Tipikal ko namang marinig yung mga ‘to, pero bakit kasi parang iba ang dating sa akin ngayon. Sa likuran ko naman, iba ang topic,
Boy, dota tayo maya. May bago akong character!”
“Eh, wala ko pera. tol, naubos kahapon, naka-anim na oras yata tayo eh.”
“Boy, sumama ka na, hinahamon tayo nung kabilang block!”
“Utang ka muna kay Bakekang, crush ka naman nun eh!”
“Ulol! hehehe… Pero sige, uutang nga ako, may gusto din akong subukang map eh.”
Maya-maya, may dumating na dalawang babae habang maingay silang nakukuwentuhan. Napatingin sa akin yung isa nang madaanan nila ako sa upuan. Umirap ito, naisip ko, anong luto kaya ng ampalaya ang almusal nito, wala naman akong ginagawa eh, kung tingnan n’ya ako eh akala mo ako’y pupu ng aso na nasa daan niya. Nang maalala ko, siya pala yung babaeng nakabunggo sa akin. Nangiti ako, naisip ko, dito ka pala sa klase na ‘to ha.
Dumaan sila habang malakas na nagpapatugtog ng ‘di ko maintindihan na kanta, Korean yata o Japanese o Chinese. Di ko sigurado, pero naisip ko nung dumaan sila kung naabot kaya yung bahay nila ng kausuhan ng “headset” at “earphones”? O talagang sadya lang na pinapadinig nya sa buong klase yung music genre na type niya?

Isang grupo ng students ang lumapit sa akin, dalawang babae at isang lalaki na nakasalamin. Magalang nilang sinabi na dun sila nakaupo, nag-iwan daw sila ng papel at ballpen dun kanina. Nagtataka ako na luminga-linga at nakita kong nakabagsak ang isang papel at ballpen sa gilid ng upuan. Humingi ako ng pasensya.

Sabi nila ok lang daw, tatayo na sana ako nang sabihin nilang huwag na daw, kukuha na lang daw ng extrang upuan yung lalaking nakasalamin. Tinanong nila ako kung bago lang ako dun sa school. Sabi ko, oo, kaya ‘di ko pa kabisado. Tumango sila at sinabi na kaya daw pala noon lang nila ako nakita. Sa pagkukuwento nila, ay nakita kong mabait sila, seryoso sa pag-aaral dahil ‘di iilang beses na nagbanggit sila ng deadline sa report o project na sa dinig ko eh two weeks in the future pa.
Sinabi nila na kinakabahan daw sila sa subject, major daw kasi. Nangiti ako, sila pa talaga ang kinabahan kaysa dun sa ibang narinig ko kanina. Sabi nila, si Dean daw ang nagtuturo ng subject na yun dati. Pero ngayon daw, balita nila may bago na. Sabi pa nila, sana daw mabait dahil medyo mahirap daw yung subject. Ngumiti ulit ako at tumango, sabay sabi na, sana nga mabait.
Maya-maya, tumahimik yung klase. Luminga-linga ako at nakita ko ang dahilan ng katahimikan at biglang pag-ayos ng upo ng mga students. Si Dean pala, pumasok sa room. Humarap na din ako sa kanya at tumahimik. Nagsalita si Dean, halata naman ang takot at paggalang sa mga students dahil nakinig silang lahat.

Maybe you already heard that I will not be handling your Psychiatric Nursing subject. I got a lot to attend this semester, the reason why, we hired a new member of the faculty…
Mrdami akong bulong-bulungan na narinig. May naulinigan pa ako na parang nagpasalamat at sobrang istrikto daw ni Dean. Sana daw yung papalit eh mabait, o kaya naman daw tamad pumasok o magturo para wala lagi klase. Nangiti ulit ako.
“…So today, I’m going to introduce to you to your new instructor… Mr. $# %&*!@#…”
Natahimik ang lahat. Nakatingin sa akin si Dean. Biglang sumunod lahat ng tingin sa akin ng mga nasa room. Bigla na naman yata akong ninerbyos. Ayaw man ng tuhod ko, napilitan akong tumayo at naglakad palapit kay Dean.

“He will be your instructor for the whole semester, he will be handling Psychiatric Nursing and Nursing research this sem, so for students who are enrolled on this subject, siya ang instructor n’yo dun…”
Ngumiti ako sa klase at medyo nagbaba ng tingin, nahihiya kasi ako, hanggang ngayon nga, parang hindi ko pa tanggap na magtuturo nga ako. Nagulat ako na ipapakilala pa pala ko.
“He may look young, pero huwag n’yo siyang mamaliitin. He got impressive credentials and a certified scholar back in College. Akala ko nga kanina he’s still a teenager.”
Nagulat lahat ng nasa loob ng klase, tumingin ako sa kanila. Pero may partikular na tao na hindi talaga maipinta ang mukha. Yung babaeng nakabunggo sa akin kanina sa hagdan. Di niya siguro naisip na ang mabubunggo niya ay ang bago niyang instructor sa major subject niya.

“Ok, I’ll give you time to chat with each other. Please do visit my office after class.” nakangiting sabi ni Dean sa akin, tumango ako at sumagot ng “Yes, maam.”
Awkward ang sumunod na set-up, hindi makatingin lahat ngstudents sa akin, ngumiti lang ako at sinabing naiintindihan ko naman kung napagkamalan nila akong student, buti nga kako at akala nila student ako kaysa pagkamalang tambay. Tumawa naman ang klase, naibalik ko na yung comfortable ambiance. First week namin, puro basic, nagreview kami ng psychology, tapos dumating ang first quiz namin, first day ng second week, 30 items quiz.
Sa bahay ako nagcheck ng test paper, nang matapos ako, nakalulungkot ang nakita kong resulta. Lima lang ang pumasa, tatlo sa kanila ay yung tatlong huling nakausap ko bago ako ipakilala ni Dean. Karamihan, single digit ang score, at maraming-maraming red circles (zero). Nag-isip ako kung may kulang ba sa pagtuturo ko, pero pakiramdam ko ginawa ko naman lahat, hanggang naalala ko lahat ng narinig ko nung bago ako ipakilala ni Dean. Nung nakita ko yung totoong mukha ng mga students na walang halong pagpapanggap dahil sa takot at respeto nila sa akin bilang instructor. Nag-isip ako, kailangan may gawin ako.

Kinabukasan, binigay ko yung score nila. Tahimik lahat sila, tinanong ko kung ano ang naging problema. Sabay-sabay silang nagsalita, pinatahimik ko sila at sinabi na sa klase ko, kailangan naming magrespetuhan at magbigayan. Isa-isa ko silang tinawag at isinulat sa white board ang problema nila, sa dulo, na-igeneralize namin sa lima:
Madaming problema sa bahay at sa lovelife.
Matagal na kasi nadiscuss, kaya nakalimutan.
Dapat hindi na wrong spelling wrong, kasi mahirap spelling nun ibang terms.
Pagod na pag umuuwi kaya hindi na makareview. Wala pa kaming libro.
Masyadong maraming nirereview.

Pagkatapos, sinabi ko na may gagawin kaming activity. Suprise quiz kako. Siyempre lahat nagreklamo, pwera yung iilan na sa tantya ko eh yung mga nakapasa pa sa last quiz ko. Nagtataka ako na nagrereklamo sila sa suprise quiz eh malinaw naman na sinabi ko na nagpapasuprise quiz ako. At isa pa, nasa kanila yung syllabus ko, alam na alam nila kung ano yung susunod na topic namin.
Pero pinatahimik ko sila, at sinabi na kailangan nila mag-one seat apart. Nang maayos na ang klase binigyan ko sila ng apat na papel. Sampung tanong kada isa. Nagtaka sila, sabi ko sagutan nila yung tanong, kung hindi nila alam, bakantihin nila. Two points each question. Nagsagot na sila, tumahimik ang buong klase. Tiningnan ko yung apat na papel:

Unang papel: mga tanong tungkol sa Dota tulad ng (a) ano ang superskill ni Mirana? (b) kanino ang atake na Requiem of Souls? (c) sino si Dragonite?…

Ikalawang papel: mga tanong tungkol sa Asian music tulad ng (a) magbigay ng 5 members ng super juniors (b) sino ang apat na member ng 2NE1? (c) magbigay ng kanta ng Girl’s Generation…

Ikatlong papel: mga tanong tungkol sa movie at TV shows tulad ng: (a) sino ang ka-love team ni Wolverine? (b) ano ang pangalan ng alter ego ni Spiderman? (c) sino ang bida sa Mara Clara?

Ikaapat na papel: mga tanong sa psychology. Karamihan inulit ko lang galing sa huling quiz namin. Binago ko lang kung pano naconstruct yung sentence.

Ilang minuto pa, tapos na lahat, nagcheck na kami. Kinuha ko ang papel nila by test parts. As expected, highest yung mga nasa likod ko nung first day sa test 1, perfect pa. Sa test 2, highest yung nakabunggo sa aking babae at sampu ng mga kasamahan niya. Test 3, yung mga nasa kanan at kaliwa ko nun first day ang mataas. Sa test 4, perfect yung limang nakapasa nun first quiz ko, at may nadagdag na tatlo pang nakapasa. At tulad ng inasahan ko, karamihan mataas sa test1 hanggang 3, pero nakakalungkot na bagsak ang fourth quiz. Tawa silang nang tawa habang binabasa ko yung score. Madali lang daw pala yung quiz, ang isip kasi nila pasado sila dahil mataas ang first hanggang third quiz nila.

Ngumiti ako, at sinabing ‘di ba kaya n’yo namang makapasa? Tumango sila. Sinimulan ko silang kausapin. Eto na ang perpektong pagkakataon para maunawaan nila ang mga bagay na maaring magsalba sa pag-aaral nila.

Sabi n’yo, maraming problema sa bahay at sa lovelife. Unahin natin sa bahay, bakit may problema? May kinalaman ka ba? Kung meron, malulutas ba to pag inisip mo siya nang inisip at pinabayaan muna saglit ang pag-aaral mo, kung oo ang sagot mo, maiintindihan kita. Sige, unahin mo muna pamilya mo. Pero kung wala kang kinalalaman, hindi ba mas maganda na isipin na sa oras na magtagumpay ka sa pag-aaral, baka sakaling may magbago sa buhay ng pamilya mo?
Love life? Bakit ba may problema? Alam ba niya na nag-aaral ka? Tandaan n’yo na malalim ang salitang pag-ibig, sa sobrang lalim niya at seryoso, handa itong magsakripisyo sa taong mahal niya. Kung mahal talaga kayo ng mg karelasyon n’yo, alam nila kung paano maghintay, alam nila na ang dapat bigyan ng prioridad sa oras na ito ay pag-aaral mo, o pag-aaral n’yong dalawa. Mahal ka ba talaga ng taong mas pipiliin na mag-absent ka para samahan siyang magdate? O taong mas pipiliing magtext at magtawagan kayong dalawa kaysa hayaan kang magreview? Isipin n’yong mabuti. Maaaring sweet nga yang tingnan, pero isipin, hanggang saan ka ba dadalhin ng ka-sweetan na yan?
Pangalawa, sabi n’yo matagal nang naidiscuss, kaya nakalimutan na. Pero tingnan nyo, ilang taon ka ba nang malaman mo na si Peter Parker si Spiderman, o si Jean Grey ang love interest ni Wolverine? Bakit naaalala mo pa na si Judy Ann Santos si Esperanza? Kasi nag-enjoy ka habang pinapanood sila? O kasi binigyan mo sila ng atensyon?

Nasa motivation lang lahat yan. Kung gusto mo, laging may paraan para tandaan lahat yan. Yun ngang pamatay na linya ni Popoy kay Basya sa “One More Chance” naalala mo eh, taon na ang dumaan, ‘di magagawa mo din to sa mga pinag-aaralan mo ngayon lang.  Motivation lang ang kailangan mo. Positibo ang gawin mong pagtanaw sa pagrereview at hindi parusa. Ano ba na isipin mo habang nagrereview na, “ang hirap, pero mabuti na lang at nadadagdagan ang alam ko” kaysa isipin mo na “bwisit na instructor to, napakadaming pinapareview…”
Dapat hindi na wrong spelling kasi mahirapi- spelling? Nagtataka ko sa inyo, karamihan kabisado yung mga kanta ng Asian groups, kinakanta n’yo pa nga, at malamang kaya n’yong isulat sa isang papel yung mga lyrics nun.  Tanong ko lang, naintindihan n’yo ba yung kinakanta n’yo? Kung sasabihin mo na mahirap tandaan yung spelling ng mga terms na naexplain naman sa inyo, o names ng tao o bagay na naipakilala naman sa inyo, bakit yung kanta na ‘di mo naiintindihan, tandang-tanda mo?

Pagod kaya ‘di na makareview. Eh bakit kaya n’yo pang magdota? Bakit kaya n’yo pang makipag-away sa mga boyfriend at girlfriend n’yo? Walang libro? Bakit ‘di mo subukang bumili? May pang-dota ka, di ba? May pangload ka, may pangpanood ka ng sine? Ano ba na minsang ay magsakripisyo ka muna?

Bakit madami pa kayong oras gawin yung mga bagay na maaari namang walang bilang pag tanda n’yo? Tandaan n’yo na habang nasa paaralan kayo, kailangan n’yong mag-ipon ng kakayahan na maghahanda sa inyo sa pagharap sa tunay na quiz ng buhay. Lahat dito, practice lang, pero sa lahat ng practice, ito ang practice na kasama sa final scoring.

Kaya ano ba ang uunahin mo? Mag-enjoy nang husto ngayon at magdusa nang matagal sa hinaharap, o magtiis ngayon at i-enjoy ang buhay sa matagal na hinaharap? Ilang dekada ka lang titigil sa paaralan, pero habangbuhay na kalagayan ang isusugal mo dito, hahayaan mo bang matalo ka nang walang kalaban-laban?

Sabi ko, madami ang nagsabi sa inyo na madami masyadong nirereview. Hanga ako sa inyo na alam n’yo na maraming kailangang reviewhin, kaso nawawala ang paghanga ko pag naaalala ko na alam n’yo lang na maraming rereviewhin pero wala kayong ginawa para mabawasan yun. Malulutas mo ba ang isang bagay kung titigan mo lang to? Kung wala kang gagawin?
Nakita mo pa lang ang problema, nagpatalo ka na.. sumuko ka na… Sinubukan mo ba kahit minsan na buklatin yung libro mo? Sinubukan mo na bang magsulat ng notes? Sinubukan mo na bang makinig, at bigyang katarungan ang itinuturo sa iyo ng instructors mo?  

Mahirap kasing turuan ang taong ayaw matuto, tulad ng di ka gigising kahit anong gawin sa’yo kung nagpapanggap ka lang na tulog.

Natahimik silang lahat habang kinukuha ko ang apat na papel. Sabi ko sa kanila, maaaring mataas ka sa unang quiz, highest ka sa pangalawa, pasado ka sa pangatlo. Pero sa huli, ito, ang ikaapat na quiz ang makakaapekto sa buhay mo, ang ikaapat na quiz na naglalaman ng natutunan mo sa paaralan, at hindi kung ano ang alam mo sa dota, sa asian performing groups o sikat na movies at TV shows.
Sa bawat tatak ng grades mo sa transcript mo, tandaan mo na dami o unti ito ng opportunidad na maibibigay sa ’yo. Sa bawat pagpasa o pagbagsak mo sa quiz, tandaan mo na maaring makaapekto ito sa hinaharap mo. At sa bawat absent at late na ginawa mo, ay oras at minuto ng kaalaman na ipinagdamot mo sa sarili mo. Sa huli, kayo pa din ang magdedesisyon kung may kuwenta ba o wala ang sinabi ko? Kayo din ang magpapasya kung gusto n’yong ipagpatuloy na mag-isip amag o simulang paganahin ang utak sa kung ano ang dapat habang maaga pa.
Tumingin ako nang isa-isa sa kanila, karamihan ay nagbaba ng tingin. Hindi ko balak paliitin ang tingin nila sa sarili nilang pagkatao, pero minsan, kailangan nilang malaman ang problema nila sa sarili nilang paraan. Binigyan ko sila ng apat na quiz upang malaman nila kung nasaan ang focus ng buhay nila ngayon.

Sana bukas, may sagot na sila sa sari-sarili nilang tanong. Ikaw, may sagot ka na ba kung anong quiz ang ipapasa mo?
Time na pala.
Uwian na.
Class dismissed.
You may leave now.
See you tomorrow!


author:  mga-sulat-kamay

No comments:

Post a Comment